99

Sep 22, 2019 @ 19:27
By

Mas mahigpit na polisiya ipatutupad vs. tiwaling pulis – NCRPO

Pupulungin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Guillermo Eleazar sa Setyembre 24, 2019 ang lahat ng hepe ng anti-illegal drugs enforcement units sa Metro Manila upang pag-usapan umano ang bagong polisiya na susundin upang makaiwas sa diumano’y pagreresiklo ng mga iligal na droga, at upang matuldukan na umano ang masasamang gawain ng mga pasaway na pulis.

“It will be a one-strike policy for all my commanders. This is to ensure that zero tolerance against policemen involved in illegal drugs activities is strictly observed,” pahayag ni Eleazar.

Base sa bagong guidelines na ipapatupad ni Eleazar, sibak agad ang station commander at hepe ng isang drug enforcement unit ng istasyon kung ang isa sa kanilang mga tauhan ay mahuhuling nagbebenta o gumagamit ng shabu, o kahit anumang iligal na droga.

Sa ngayon, mayroong 38 police stations sa buong Metro Manila.

Samantala, kaparehas ding polisiya ang ipatutupad sa district level: tanggal din diumano sa puwesto ang hepe ng district drug enforcement, maging ang District Director, kahit isa lang sa kanyang mga tauhan ang maaresto na may kinalaman sa pagbebenta o paggamit ng iligal na droga.

Mayroong limang police district sa Metro Manila, na kinabibilangan ng Manila Police District, Quezon City Police District, Southern Police District, Northern Police District, at Eastern Police District.

“I believe this will force all the commanders of drug enforcement units in Metro Manila to behave and at the same time, compel their men to do what is right: to be clean at all times,” pahayag ni Eleazar.

“This is part of our Intensified Cleanliness Policy. We have to exert all efforts to clean our ranks because all our anti-illegal drugs accomplishments, all the good intentions of the government to finally end this drug problem will be futile because of these handful of scalawags in our ranks,” dagdag pa ng opisyal.

Paliwanag pa ni Eleazar na sa kaso ng dalawa o mahigit pang pulis na mahuhuling gumagamit o nagre-recycle ng iligal na droga ay mananagot ang buong unit–mula commander hanggang sa lahat ng operatiba ng anti-illigal drugs ay sisibakin at papalitan lahat. Hindi rin umano makaliligtas ang commander at district director sa mga masisibak sa puwesto.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 500 anti-drugs operatives sa Metro Manila ang nasibak sa patuloy na pagtuligsa laban sa mga tiwaling pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?