55

Jan 6, 2022 @ 18:34
By

Mas mababang buwis sa pribadong paaralan batas na

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala na magtatakda ng mas mababang buwis sa mga pribadong paaralan.

Nagpasalamat si House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda kay Duterte sa pagsasabatas ng kanyang panukala na magbibigay din ng tax discount sa mga pribadong eskuwelahan sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Sa ilalim ng Proprietary Educational Institutions Tax Act (RA 11635) ang mga eskuwelahan ay papatawan lamang ng 10% buwis at maaaring magbayad ng 1% lamang sa ilalim ng CREATE law hanggang sa 2023.

“It’s a 90% tax discount under CREATE Law. That’s the biggest tax cut this country has given to any sector in recent history,” sabi ni Salceda.

Ayon kay Salceda hihilingin ng kanyang komite sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na bilisan ang pagpapalabas ng revenue regulation upang agad na maipatupad ang bagong batas.

Umaasa si Salceda na makatutulong ang RA 11635 upang makakuha ng dagdag na guro ang mga paaralan gamit ang kanilang matitipid sa pagbabayad ng buwis.

“Applying the CREATE until 2023 would allow these schools to save an equivalent of 3.43 percent of compensation expenses, which could help them rehire at least 12,996 teachers at the start of the next school year,” paliwanag ng solon.

Bukod sa dagdag na guro, maaari rin umanong makatulong ang bagong batas upang mabawasan ang mga bayarin sa paaralan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?