4

By

Mas komprehensibong HIV/AIDS prevention, ratipikado na sa Kamara

Sharing is caring!

Pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para maging ganap na batas ang Philippine HIV AIDS Policy Act matapos itong ratipikahan ng Kamara kasunod ng Senado.

Ang panukalang ito ang papalit sa dalawampung taon nang Philippine AIDS Prevention and Control Act para gawing mas komprehensibo at responsive ang batas sa pagkontrol ng paglaganap ng HIV AIDS at pangangailangan ng mga biktima nito.

Nililinaw dito ang papel at responsibilidad ng bawat tanggapan ng gobyerno na katulong sa HIV/AIDS response mula sa national government hanggang sa local government unit (LGU).

Magkakaroon ng HIV at AIDS road map na tutukoy sa bawat estratehiya, targets at pagsasakatuparan ng mga programa kasama na pati ang pagtukoy at pagkuha ng pondo ukol sa HIV/AIDS prevention program.

Bukod sa pagbibigay kaalaman para makaiwas sa ganitong sakit, palalawakin ang information campaign para mabawasan ang stigma sa mga HIV/AIDS victim at sa halip ay bigyan sila ng respeto at kilalanin ang kanilang karapatan at dignidad.

Maaari na ring magpa-HIV test ang menor de edad mula 15-anyos hanggang 18-anyos, kahit walang consent ng kanilang magulang o guardian.

Sa naaprubahang panukala, hindi tinatawag na sakit kundi public health concern ang HIV/AIDS para makabawas sa stigma.

Hinihikayat naman ang mga may HIV/AIDS na maging tapat ukol sa kanilang sakit lalo na sa kanilang partner.

Itinatakda naman ang mas mataas na parusa sa mga lalabag dito kasama na iyong sisira sa confidentiality ng HIV/AIDS data pati ang magdi-discriminate sa mga may HIV o AIDS.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?