42
drilon1
By

Mas buhos ang investment ng China sa Vietnam kaysa PH – Drilon

Sharing is caring!

Iginiit ni Senate minority leader Franklin Drilon sa Malacanang na repasuhin ang policy of appeasement o ang mabait nitong pakikitungo sa China sa kabila ng panggigitgit nito sa West Philippine Sea at Scarborough Shoal.

Ayon kay Drilon, maaring hangad ng administrasyong Duterte na makinabang sa progreso ng China kaya nagpapabait dito pero hindi ito nagtatagumpay dahil maliit lamang ang ipinapasok ng China sa ekonomiya ng bansa.

Sa kaniyang datos, mas malaki pa ang investments ng China sa Vietnam samantalang matapang nitong pinapalagan at kinokompronta ang China kapag pumasok sa pinag-aagawan nilang teritoryo.

Tinukoy na noong 2017, ang investments dito ng China ay umabot lamang sa $31 milyon lamang samantalang $2.71 bilyon ang kanilang inilagak sa Vietnam na ang ipinatutupad sa China ay policy of confrontation.

Samantala’y noong 2016, ang halaga ng bilateral trade relations ng Pilipinas at China ay $9.19 bilyon pero umabot sa $71.85 bilyon ang halaga ng trade relations ng China at Vietnam.

Noong 2017, nasa 4 milyon ang mga Tsino na nagturista sa Vietnam habang 986,447 lang ang Chinese tourist arrivals sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Drilon na panahon nang mag-isip-isip ng administrasyon dahil hindi naman bumubuti ang sitwasyon sa West Philippine Sea bagkus ay lumalala pa.

Tinukoy ang pagharang ng Chinese coast guard sa mga Pilipinong mangingisda na ninakawan ng huli habang nasa Scarborough Shoal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?