238

Oct 26, 2017 @ 18:30

“Martilyo Gang” kumana sa shopping mall

Nagkaroon ng tensiyon sa loob at nabulabog ang mga “shoppers” ng Harrison Plaza matapos ang ginawang pagnanakaw ng tatlong miyembro ng “Martilyo Gang” kahapon ng hapon sa Malate, Maynila.

Ayon sa Manila Police District (MPD)-Police Station 9, dakong alas-3:50 ng hapon nang maganap ang pagnanakaw ng tatlong suspek na inilarawan na ang dalawa ay nakasuot ng sombrero at jacket at ang isa ay naka-“mask”, base sa nakita ng mga guwardiya sa CCTV.

Ayon kay James Azula, security officer ng Harrison Plaza, nang makarating sa jewelry stall ng Gold Buyer, ay nagpaputok muna ang isa sa mga suspek ng kalibre .45 baril ng tatlong ulit sa ere bago binasag ng martilyo ang isang istante ng “Gold Buyer” jewelry shop at kinulimbat ang mga alahas na nasa loob.

Nalaman na sa loob pa mismo ng mall binili ng mga suspek ang ginamit na martilyo na pangwasak sa istante at iniwan rin ito ng mga suspek.

Tinaya ng pulisya na nasa P10,000 halaga umano ng alahas ang nakuha ng mga suspek.

Wala namang nasugatan sa pamamaril at nakatakas ang mga suspek.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?