76

Aug 13, 2019 @ 15:42
By

Martial Law sa Mindanao: Walang ngipin, panakot lang – Lacson

Niloloko lang umano ng mga awtoridad ang mga terorista sa patuloy na pagpapairal ng diumano’y “toothless” o walang ngipin na Martial Law sa Mindanao.

Inihayag ito ni Senador Panfilo Lacson sa pagdinig ng Senate defense committee, kung saan pinaalalahanan nito ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang naunang pangakong aalisin na ang Martial Law sa Mindanao.

“Di ba you made that commitment last year and this is much, much, much, much stronger than the Martial Law that you’re using now, which of course, we all know is a toothless Martial Law,” sabi ni Lacson.

Matatandaan na isinailalim sa Martial Law ang buong Mindanao noong 2017 matapos kubkubin ng mga terorista ang Marawi City.

“Panakot lang naman kayo dun sa Mindanao. Psywar lang. Wala naman din naman kayong magawa…,” pagbibirong pahayag nito sa mga opisyal ng AFP.

“Panakot lang ang ginagawa niyo dun. Niloloko niyo lang ‘yung mga terrorist dun,” sambit pa nito.

Paliwanag pa ni Lacson, na iba ang pinaiiral na Martial Law sa Mindanao kumpara sa Martial Law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kung saan suspendido noon ang Konstitusyon.

“Alam naman nating toothless ang ML because the Constitutional rights are still guaranteed. Hindi ito ML noong panahon ni ex-President Marcos na wala talagang rights na pwedeng ma-exercise kasi una, suspended ang Constitution,” paliwanag ni Lacson.

“But this ML we are having now in Mindanao is actually a toothless ML. Inamin naman nila pang-psywar lang kung tutuusin. Kaya nagtataka kami why there’s so much fuss about arguing against the declaration of ML. After all, ML now under the 1987 Constitution is the same as no ML,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?