39

By

Martial law sa Mindanao, pinagtibay ng Korte Suprema

Sharing is caring!

Pinal nang pinagtibay ng Korte Suprema ang idineklarang Batas Militar sa Mindanao ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay makaraang ibasura ng Korte Suprema sa botong 10-3-1 ang motion for reconsideration na inihain ng mga petitioner na kinabibilangan ng grupo nina Albay Representative Edcel Lagman, Eufemia Campos Cullamat at Norkaya Mohamad.

Ayon sa Korte Suprema, bukod sa kawalan ng merito, moot and academic na ang apela ng mga petitioner dahil nagpaso na noong July 22, 2017 ang Proclamation No. 216 na pinagbatayan ng 60 araw na Martial Law sa Mindanao.

Ang pag-iral ng batas militar ay pinalawig ng Kongreso hanggang December 31, 2017.

Kasama sa sampung bumoto pabor sa pagbasura ng motion for reconsideration ay sina Justices Presbitero Velasco, Teresita Leonardo-De Castro, Lucas Bersamin, Mariano Del Castillo, Estela Perlas-Bernabe, Samuel Martires, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo.

Bumoto naman para pagbigyan ang ilang bahagi ng apela ng mga petitioner sina: Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Benjamin Caguioa.

Ang nag-iisa namang pumabor sa mosyon ay si Associate Justice Marvic Leonen.

Sa desisyon nito noong July 4, 2017, tinukoy ng Korte Suprema na may sufficient factual basis para sa deklarasyon ng Batas Militar sa Mindanao.

Kumbinsido ang Kataas-taasang Hukuman na may nagaganap na pag-aaklas sa Mindanao at nanganganib ang kaligtasan ng publiko dahilan kaya nito kinatigan ang deklarasyon ng batas militar at suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus sa rehiyon.

Ang martial law sa Mindanao ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte nuong May 23, 2017 nang maganap ang pagsalakay ng mga teroristang gruoo sa pangunguna ng Maute Group sa Marawi City. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?