58

Dec 12, 2017 @ 15:47
By

Martial law sa Mindanao, para lang sa psychological effect?

Lalo nang nagmatigas kontra sa isang buong taong pagpapalawig ng martial law sa Mindanao ang mga senador buhat sa oposisyon.

Ito’y dahil sa sinabi umano ng mga miyembro ng gabinete at ng mga opisyal ng militar na kailangan ang patuloy na pag-iral ng martial law para sa “psychological effect” nito sa mga taga-Mindanao at para magamit ito na panggulpi de gulat sa mga rebelde at bandido.

Ayon kina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sens. Bam Aquino at Kiko Pangilinan, hindi nila matanggap ang katwirang ito.

Binigyang-diin ng tatlong senador na kasapi ng Liberal Party (LP) na nakasaad sa Konstitusyon na maaari lang ideklara ang martial law kapag kailangan para sa kaligtasan ng publiko dahil may aktuwal na rebelyon o kaya’y pananakop.

Sinabi ni Drilon na hindi kabilang sa mga nakasaad sa Konstitusyon ang psychological effect.

“Apparently, the Armed Forces has recommended the extension of martial law for its psychological impact. I’m afraid that is not a valid basis for the extension of martial law,” pahayag ni Drilon.

Ayon naman kay Aquino, kayang-kaya naman ng Armed Forces of the Philippines na resolbahin ang problema sa mga rebelde at terorista sa Mindanao kahit walang pinaiiral na martial law.

Pinuna naman ni Pangilinan ang tagal ng extension ng martial law na hinihingi.

“Noong may nagaganap na bakbakan sa Marawi, anim na buwan lang ang hininging extension ng martial law pero ngayon, wala namang bakbakan, walang siege, pero isang taon ang hinihingi,” ani Pangilinan.

“Dapat nating habulin ang mga lumalabag sa batas, pero dapat sundin din ang batas, ang Konstitusyon ukol sa martial law,” ayon pa kay Pangilinan. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?