1,862

Dec 13, 2017 @ 17:33
By

Martial law noon at ngayon, magkaiba – Roque

Hahayaan na lamang ng Malacañang ang mga maiingay na grupong patuloy na tumututol sa martial law sa Mindanao.

Inihayag ito kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng panibagong extension na ibinigay ng mga mambabatas sa ginanap na joint session ng Kongreso.

Ayon kay Roque, nakapagtatakang ang mga taga-Luzon ang tumututol sa martial law sa Mindanao gayong hindi naman sila ang apektado ng banta ng terorismo at karahasan.

Binigyang-diin ng kalihim na malaki ang pagkakaiba ng martial law noong panahon ng rehimeng Marcos at sa kasalukuyan dahil malaya ang mga Pinoy at walang nasisikil na karapatan ng mga ito habang umiiral ang batas militar sa Mindanao.

“Napakalaki po ng pagkakaiba ‘no. Ito po ay bukas ‘no, ang mga hukuman ay bukas at patuloy po ang ating demokrasya; ang ating Saligang Batas ay umiiral pa rin. At nakakapagsalita sila ng ganyan samantalang nu’ng mga… iyong naunang martial law ay wala pong puwedeng magsalita laban sa administrasyon.

“Well, linawin natin ‘no. Ang mga tumututol po sa martial law ay mga taga-Luzon. Eh hindi naman po under martial law ang Luzon, so puwede pa rin po silang magsalita hanggang gusto nilang magsalita,” ang pahayag ni Roque.

Nagpasalamat ang Palasyo dahil sa ibinigay na suporta ng Kongreso sa kahilingan ng Pangulo na isang malinaw na indikasyon, ayon kay Roque, na nagkakaisa ang gobyerno para tuluyang matalo ang mga masasamang puwersa sa lipunan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?