29

Dec 11, 2017 @ 11:49
By

Martial law extension, maihahabol pa kahit last two minutes – Palasyo

Kumpiyansa ang Malacañang na kaya pang ihabol ng mga mambabatas ang pag-aksiyon sa kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na panibagong extension ng martial law kahit malapit nang mag-recess ang Kongreso.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar na nasa mga mambabatas na ang bola para pagpasyahan ang kahilingan ng Pangulo batay sa naging rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

“Depende ‘yan sa mga congressmen at mga senador. Of course, sila ang may kapangyarihan na i-extend iyan. May panahon naman lahat eh.

Eh kung sa laro nga last two minutes nakakahabol pa ‘di ba?” ang pahayag ni Andanar.

Batay sa naging pahayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea, isang taon na martial law ang hiling ng Pangulo at ang pormal na sulat ay ipinadala na niya sa Kongreso ngayong Lunes.

Sinabi pa ni Andanar na hindi lang mga terorista ang kalaban ng gobyerno dahil nananatiling banta ang iba’t ibang rebeldeng grupo sa Mindanao at hindi rin isaisantabi ang banta ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army o CPP-NPA.

Malakas aniya ang recruitment ng mga terorista sa Mindanao batay sa intelligence report at nagpaplano ang mga ito na umatake sa isa pang siyudad sa bansa.

“Ang balita ay lumakas iyong kanilang pagre-recruit diyan sa Mindanao. Ang problema nito ay mayroong mga intelligence report na nagpaplano silang umatake sa isa pang siyudad, hindi lang binanggit kung anong siyudad sa Pilipinas,” dagdag pa ni Andanar. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?