34

Dec 14, 2017 @ 11:23
By

Martial law extension, kukuwestiyunin sa SC

Pinag-iisipan ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza na kuwestyunin sa Korte Suprema ang isang taong pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.

Ayon kay Atienza, kokonsultahin niya ang kanyang mga abogado para sa posibilidad nang paghahain ng petisyon sa Supreme Court.

Nais ipalinaw ng kongresista sa kataas-taasang hukuman kung tama ang isang taong ibinigay ng Kongreso sa extension ng martial law.

Paniwala nito, kung ang proklamasyon ay limitado lamang sa animnapung araw, hindi makatuwiran na mas mahaba pa dito ang extension period.

Sinabi ni Atienza na dapat magkaroon ng jurisprudence sa usaping ito para hindi na napaglalaruan ng ehekutibo at kongreso ang constitutional provision ukol sa martial law.

“Ang kinukwuestyon ko is basic and fundamental. Extend tayo ng extend eh sabi ng Konstitusyon no President can declare beyond 60 days. Aren’t we circumventing the clear mandate of the Constitution as we should respect it?” tanong ng mambabatas.

Nababahala ito na kapag namihasa si Pangulong Rodrigo Duterte sa kapapalawig ng batas militar ay hahaba nang hahaba ang susunod na extension nito. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?