36
ABANTE-TNT-solgen-ml-ex-calida
Jan 1, 2018 @ 15:10
By

Martial law extension hindi limitado sa 60 araw – SolGen

Hinamon ni Solicitor General Jose Calida ang mga nagdududa sa pangangailangan ng muling pagpapalawig sa batas militar sa Mindanao na personal na bisitahin ang mga balwarte ng nga rebeldeng grupo sa rehiyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Calida na mainam na personal na makita ng mga tutol sa martial law kung gaano karami at kalakas ang mga armas ng mga nagnanais na pabagsakin ang gobyerno.

“Anyone who doubts the necessity of the extension should visit the various strongholds of the rebellious groups scattered all over Mindanao and see for himself their awesome armaments and the cadres of combatants whose avowed missions are to overthrow the government or to carve out provinces away from the sovereignty of the Philippines,” saad ni Calida.

Naninindigan si Calida na ang pagpapalawig ng batas militar at pagsuspinde sa writ of habeas corpus sa Mindanao sa loob ng isa pang taon ay hindi lamang “factual” kundi kinakailangan.

Dapat din umanong tanggapin ng mga naghain ng petisyon laban sa martial law na nagpasya na ang Korte Suprema pabor sa Constitutionality ng proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na inisyu noong Mayo 2017.

Wala rin naman aniya sa probisyon ng 1987 Constitution na nagtatakda na ang pagpapalawig sa martial law ay limitado lamang sa 60 araw.

“There is no provision in the Constitution that limits the period of extension to 60 days only. “The only criteria: that the invasion of rebellion shall persist and that public safety requires it,” paliwanag ni Calida.

Una nang naghain ng petisyon laban sa martial law sina Congressmen Edcel Lagman, Tomasito Villarin, Edgar Erice, Teddy Brawner Baguilat, Gary Alejano at Emmanuel Billiones.

Hiniling ng mga petitioner na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o ng writ of preliminary injunction para pigilan ang pagpapatupad ng panibagong martial law extention na tatagal hanggang December 31, 2018.

Iginiit ng mga petitioner na unconstitutional ang nasabing hakbang ng Kongreso dahil wala namang aktwal na rebelyon na nagaganap sa Mindanao.

Ang banta umano ng karahasan at terorismo ng mga nalalabing pwersa ng mga terorista ay hindi rin umano sapat na batayan sa ilalim ng 1987 Constitution para mapalawig ang martial law.

Hindi rin umano pinapayagan sa ilalim ng Saligang Batas ang serye ng pagpapalawig o re-extension ng martial law proclamation na pinangangambahang mauwi sa pangmatagalang pagpapalawig. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?