20
views

By

Marquez sa judiciary fund ‘misuse’: Lumang isyu na!

Sharing is caring!

Nagsumite na ng tugon sa Judicial and Bar Council (JBC) si Court Administrator Jose Midas Marquez sa opposition sa kanyang aplikasyon bilang mahistrado ng Korte Suprema ng isang Rizza Joy Laurea.

Sa kanyang tatlong pahinang tugon, ipinunto ni Marquez na wala siyang naging papel sa mga proyekto na pinondohan ng pautang na $21.9-million mula sa World Bank (WB).

Binigyang-diin ni Marquez na ang pangangasiwa sa mga proyekto at pondo ng developmet partners kagaya ng WB ay nasa ilalim ng Project Management Office (PMO) na ang dating hepe ay ang kasalukuyan nang Sandiganbayan Justice na si Geraldine Faith Econg.

Ang opposition ni Laurea ay ibinatay umano sa Aide Memoir ng WB noon pang Disyembre 2011.

Pero giit ni Marquez, hanggang ngayon ay hindi pa siya nakakakuha ng kopya ng Aide Memoir at hindi rin siya kailanman hiningan o inatasan ng alinmang tanggapan para magkomento sa isyu.

Hindi rin umano siya kailanman naging sentro o laman ng alinmang imbestigasyon kaugnay sa WB loan.

Para kay Marquez, luma na ang isyung ipinukol ni Laurea dahil dati na itong naungkat noon pang panahon ng impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona na hindi rin naman nasuportahan ng sapat na batayan at maituturing lamang na hearsay.

Kung ipinupunto naman aniya ng opposition ang sabay-sabay niyang pagganap sa ilang tungkulin sa Korte Suprema noon, bigo naman ang mga ito na ilatag kung ano-ano ang mga tinukoy na kuwestiyonableng kontrata at serbisyo.

Wala rin umanong iregularidad sa pag-atang sa kanya ng maraming responsibilidad noong panahon ni dating Chief Justice Reynato Puno dahil patunay lamang ito ng pagkilala sa kanyang husay at kapasidad.

“In fine, the vehement opposition is nothing but an inventory of general accusations, and instantly erroneously assumes that undersigned is the instigator,” saad sa tugon ni Marquez. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?