74

Oct 8, 2017 @ 16:34

Marijuana sa online na binebenta

Arestado ang isang binatang nagbebenta umano ng marijuana online sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Socorro, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Ang nadakip na si Justin Guzman, 19, residente ng Murphy, Brgy. Socorro ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7, dakong 9:30 ng gabi nang madakip nila ang suspek sa isang buy-bust operation sa harapan ng 838 Liberty St., malapit sa kanto ng 14th Avenue sa Brgy. Socorro.

Sinabi ni QCPD Station 7 chief, P/Supt. Louise Benjie Tremor, matagal na nilang minamanmanan ang suspek matapos na makatanggap sila ng impomasyon na nagbebenta ito ng marijuana at tumatanggap ng online transactions mula sa kanyang mga kliyente.

Nang maging positibo ang report ay agad na nagkasa ng buy-bust operation ang mga pulis, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa suspek ang apat na medium-sized zip lock plastic bags na naglalaman ng hindi pa batid na dami ng pinatuyong dahon ng marijuana, at P500 buy-bust money. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?