145

Nov 8, 2017 @ 13:35
By

Marijuana bilang gamot, pinaaatras ni Atienza

Hinamon ngayon ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza si Isabela Congressman Rodito Albano na iatras na lamang ang panukalang nagsusulong sa marijuana bilang gamot sa mga maysakit.

Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Atienza na sayang lamang ang panahon, effort at pondo ng Kongreso kung ang tatalakayin lamang ay ang panukala ni Albano na wala namang batayang medikal.

Naniniwala rin si Atienza na sumisipsip lamang si Albano kay Pangulong Rodrigo Duterte lalo na at nang isulong ng kongresista ang panukala ay matapos ang talumpati ng Pangulo kung saan sinabi ng Punong Ehekutibo na mas mabuti pang gumamit ng marijuana kaysa shabu dahil nakagagamot ang cannabis.

Ginamit din ni Atienza ang katagang sipsipesyon kay Albano upang magpalakas sa Pangulo.

Binanggit din ni Atienza na maaaring dahil sa negosyo at ganansiya kaya itinutulak ni Albano ang paggamit ng marijuana bilang gamot.

Idinagdag din nito na may mga report na nakararating sa kanya na inihahanda na ngayon ang mga sakahan sa norte upang pagtamnan ng marijuana.

Paalala pa nito, na hindi aprubado sa American Medical Society at ng Philippine Medical Society ang paggamit ng marijuana bilang gamot.

Matatandaang noong Martes ay ipinasa na sa plenaryo ang House Bill 180 ni Albano upang maging legal ang paggamit ng marijuana bilang gamot.

Umaasa si Albano na 90% ng miyembro ng Mababang Kapulungan ay susuporta sa kanyang panukala. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?