29

Jun 19, 2020 @ 20:03
By

Maria Ressa, may 1 pang cyber libel case

Kinasuhan uli ng cyber libel si Rappler CEO Maria Angelita Ressa.

Kaugnay ito ng isang Twitter post noong 2019 kung saan ibinahagi niya ang isa pang news article tungkol sa negosyanteng si Wilfredo Keng.

Inihain ni Keng ang pangalawang reklamo laban kay Ressa sa Makati City Prosecutor’s Office noong February 13, ang kopya ay inilabas lang sa media nitong Biyernes.

“Here’s the 2002 article on the “private businessman” who filed the cyber libel case, which was thrown out by the NBI then revived by the DOJ. #HoldTheLine,” nakasaad sa tweet.

Naglalaman ito ng mga screenshots ng article, na tumukoy kay Keng bilang “influential Chinese businessman” na tinitingnang suspek sa ambush-slay ng isang dating Manila councilor.

“In publishing the 2002 Philippine Star article in her Twitter account, the respondent has feloniously communicated the malicious imputations against me not only to her 350,000 Twitter followers, but to anyone who has access to the internet,” ani Keng.

Hiniling daw ni Keng kay Ressa na burahin ang naturang “offensive Twitter post” dahil inalis na ito ng Philippine Star pero hindi raw nakinig ang huli.

Si Keng din ang nasa likod ng cyber libel suit na nag-convict kay Ressa at dating Rappler writer- researcher Reynaldo Santos Jr. noong June 15.

Kaugnay ito ng investigative article noong 2012 na nag-uugnay kay Keng sa iligal na aktibidad.

Kasalukuyang nakalalaya dahil sa piyansa sina Ressa at Santos habang nakabinbin ang kanilang apela.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?