116
Maria Ressa, enjoy pa sa kanyang cyber libel case - Palasyo
By

Maria Ressa, enjoy pa sa kanyang cyber libel case – Palasyo

Walang maaninag na kalungkutan ang Malacañang kay Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa sa ginawang pag-aresto sa kanya kaugnay sa kasong cyber libel.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na batay sa kanyang obserbasyon ay nag-e-enjoy si Ressa dahil nakangiti ito sa kanyang mga interview matapos sunduin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanyang opisina.

Bukod dito, hindi naman aniya ikinulong si Ressa dahil nasa isang kuwarto lang sa NBI at hindi siya inapi o ginipit, gaya ng nais palitawin ng mga kritiko.

“Sa tingin ko nga kay Maria, mukhang she’s enjoying it, she’s been smiling all the while. Another thing, hindi naman siya nakakulong eh, nasa NBI kuwarto lang. In other words, she’s making a mountain out of a mole cave,” ani Panelo.

Sinagot rin ni Panelo ang puna ng mga kritiko sa timing ng pag-aresto kay Ressa na aniya ay itinaon ng hapon kaya napilitang magpalipas ng magdamag sa NBI.

Ayon sa kalihim, ang ipinagbabawal lang sa hudikatura ay ang pag-iisyu ng warrant of arrest kapag Biyernes dahil tiyak na aabutan ang isang akusado ng Sabado at Linggo sa kulungan dahil walang pasok sa korte.

Ang pag-aresto aniya ng NBI kay Ressa ay weekday kaya walang dapat na ihanap ng butas dito.

“Now, they are complaining about the timing daw, kasi hapon na daw. Nagkaroon na ng circular diyan, you cannot issue a warrant o ise-serve kahit na meron pa, you cannot serve it pag Sabado o Linggo. Eh, pero kahapon lang iyan, ibig sabihin, eh weekday. So hindi mo masasabi na sinadya, kasi weekday naman eh, meron pang night court,” dagdag pa ni Panelo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?