1,386

Oct 27, 2021 @ 17:00
By

Marcos tablado kay Pacquiao

“Tuloy ang laban natin sa pagka-pangulo.”

Ito ang mariing sinabi ni presidential aspirant Senador Manny Pacquiao sa kabila ng pahayag ng kampo ni dating senador Bongbong Marcos na pinagpipilian nila ang ilang kandidatong maging bise presidente mula sa Visayas at Mindanao, kabilang na ang dating boxing champion.

“Although I am touched and extremely honored. Tuloy and laban natin sa pagka-pangulo. Para sa pagbabago at para sugpuin ang korapsyon na lumalala sa bansa. I will not fail the people,” reaksiyon ni Pacquiao.

Una rito, sinabi ni Senadora Imee Marcos sa panayam sa radyo na patuloy pa ring naghahanap ng ka-tandem ang kapatid at target nilang kumuha ng kandidato mula sa Visayas at Mindanao.

“Very obvious naman yung preference namin, sinasabing may ‘Solid North,’ mas malakas kami sa norte. Si Bongbong may [National Capital Region] din, malakas din naman kahit paano. Tapos Region 8. Pero medyo takot sa Mindanao, medyo bulag kami doon,” sabi ng senadora.

“So naturally we’re tending towards the Mindanao and VisMin candidates,” sambit pa nito.

Bagama’t natutuwa si Pacquiao dahil maraming kampo ng mga presidentiable ang gusto siyang gawing vice presidential candidate, buo naman ang desisyon nitogn tumakbo sa pagka-pangulo at hindi maging VP ng sinuman.

“While I’m flattered of various camps seeking me to be their VP, it requires the presidency para magawa ang mga pangako ko sa mga mahihirap at sa mga nagsisikap na mula sa hirap,” sabi ni Pacquiao.

“Ilang taon na ako sa public service both sa local at national levels. Nakita ko first hand ang mga problema ng bansa kahit naging kaibigan natin ang mga Presidente, vice president at local officials ay malaki ang agwat ng mayaman at mga mahihirap dahil sa mga policy na ipinapatupad,” sambit pa nito.

Binigyang-diin pa ni Pacquiao, ito na ang panahon para maipanalo ang mahihirap sa susunod na national at local elections.

“Our time is now! Para ipanalo ang mga mahihirap. Nakikita natin na lumalaki ang grassroot support araw-araw habang umiikot tayo sa buong bansa,” ani Pacquiao.

“Naririnig ko ang daing at nais ng mga kapwa natin at mga kasama natin na galing sa mababang antas ng lipunan. Our time is now para ipanalo naman ang mga mahihirap!” dagdag pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?