452

Nov 28, 2021 @ 20:14
By

Marcos Jr.-Sara tandem binawalan sa QC Circle – Defensor

Hindi pinagbigyan ang hiling ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na magamit ang Quezon Memorial Circle para sa isang pagtitipon nina dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte Carpio.

“Sumulat ako sa Quezon Memorial Circle kasi yan lang ang nakikita naming venue, alam mo naman kapag si Bongbong Marcos at tsaka si Inday Sara ang nandyan ay napakaraming tao,” sabi ni Defensor.

Tinignan umano ng mga kaalyado ni Defensor ang kalendaryo ng mga event sa QMC at bakante umano ang Disyembre 8.

“Nung tinitignan nila bakante yung December 8, ngayon bigla-bigla sinasabi nung administrator ng QMC nag-reserve daw ang Quezon City government,” dagdag pa ni Defensor.

Naalala ni Defensor na noong 2016 elections ay naranasan din ni Marcos na hindi payagan na makapag-motorcade o makapag-rally sa siyudad.

“Nung mga panahong yun hindi nila pinapayagan si Bongbong Marcos na magkaroon ng motorcade dito o magkaroon ng rally sa Quezon City, bagamat ganun nanalo pa rin naman si Bongbong Marcos sa Quezon City as vice president. Ngayon gagawin na naman nila yan kay presidential candidate Bongbong Marcos,” sabi pa ni Defensor.

Naki-usap din si Defensor sa pamunuan ng QMC na huwag sumali sa politika.

“Hindi nila pag-aari yan, publiko yan. And alam naman nila na pag itong dalawa nagsama…. Kailangan talaga ganito kalaking lugar dahil sa dami ng sumusunod at nakikinig,” punto pa nito.

Samantala, naglabas naman ang Quezon City government ng isang pahayag at binansagan na fake news ang paratang ni Defensor.

“This is a blatant example of fake news. The venue that their group requested for the event is not meant for such activities. Needless to say, however, an alternate venue was proposed and offered,” saad ng pahayag ng lokal na pamahalaan.

Tumugon naman si Defensor at nagpadala sa media ng mga website link kung saan makikita ang ilang video footage ng 2016 political rally nina dating DILG Sec. Mar Roxas at Vice President Leni Robredo sa QMC.

Ang mga Belmonte, na dating mga regional lider ng Liberal Party, ay sumusuporta noon sa Roxas-Robredo tandem.

“Mayor Joy Belmonte promptly rejected the request, saying that QMC is not meant for such activities,” sabi ng pahayag ni Defensor. “This is to disprove Belmonte’s claim that QMC is not meant for such activities.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?