29

Jun 23, 2022 @ 19:25
By

Marcos Jr naki-party sa Bacoor: ‘Burger kayong lahat sa akin’

Sa unang pagkakataon mula ng ideklarang panalo sa katatapos na eleksyon, humarap si President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa publiko at dumalo sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng cityhood ng Bacoor sa Cavite.

Sa kanyang speech, sinabi ni Marcos na isa sinusugan nito ang pagpasa ng panukala na nagbigay –daan upang maging siyudad ang Bacoor.

Ginamit din ni Marcos ang pagkakataon upang pasalamatan ang Bacoor at ang lalawigan ng Cavite sa ipinakita nitong suporta sa kanya at sa running mate na si Vice President-elect Sara Duterte.

“Burger kayong lahat sa akin,” sabi ni Marcos.

Ang ‘burger kayo sa akin’ slogan ay ginamit ni Duterte noong kampanya upang labanan ang cancel culture o pagkansela sa mga taong sumusuporta sa Marcos-Duterte tandem.

Sinabi ni Marcos na hindi inaasahan nina Bacoor Mayor Lani Mercado at mister nitong si Senator Ramon Bong Revilla Jr. ang kanyang pagdalo.

“Sabi ko naman hindi naman maaari na palampasin ko, ito na yung una ko na public appearance mula nung election…. At nung natanggap ko ang imbitasyon galing sa inyong butihin mayor at sinabi ko siguro naman ay karapat-dapat na ang una kong paglabas bilang President-elect ay magpunta ako at magpasalamat ako sa mga taga-Bacoor at sa mga taga-Cavite sa inyong ibinigay na resulta sa akin dito sa nakaraan na halalan,” dagdag pa ni Marcos.

Nakatanggap si Marcos ng 1.09 milyong boto sa Cavite malayo sa nakuha ni Vice President Leni Robredo na wala pang 487,000 boto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?