197

Sep 15, 2021 @ 21:31
By

Marcoleta nagpasaring sa Senado

Pinasaringan ng isang solon ang Senate Blue Ribbon Committee na ayaw umanong maniwala sa ulat ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng pagbili ng face mask at personal protective equipment ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) noong 2020.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Miyerkoles, sinabi ni Deputy Speaker at Sagip Rep. Rodante Marcoleta na walang nakasaad sa ulat ng COA na mayroong overpricing, korapsyon o ghost delivery sa pagbili ng PS-DBM ng medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

Sa pagtatanong kay COA supervising auditor for DOH na si Rhodora Ugay na pinuna ang paglilipat ng tinatayang P42 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) sa PS-DBM dahil wala itong Memorandum of Agreement (MOA) at pagkabigo ng DOH na i-liquidate ang lahat ng nauna nitong ginastos.

“Maliwanag ngayon na kaya na-flag ng COA yung pondo na trinansfer ng DOH sa PS-DBM dalawang bagay lang dahil walang MOA at tsaka yung requirement ng liquidation, tama?” tanong ni Marcoleta na sinang-ayunan ni Ugay.

Sunod na tanong ni Marcoleta: “Ano kaya ang dahilan bakit nagtutuloy pa yung pagdinig doon sa kanilang chamber?”

Sinabi ni Ugay na hindi nito masagot ang tanong dahil naimbitahan lamang siya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee.

“Kailangan lang mapaintindi nating mabuti, bago kami nagsimula siniguro ni Chairman Aguinaldo sa amin, wala pong overpricing…. at in-admit na ni Chairman Aguinaldo ng COA at nalaman na naman ng Senado sapagkat sinabi niya at nandoon siya. Ang ibig sabihin ba nito hindi naniniwala sa COA ang Senate blue ribbon committee?” tanong pa ni Marcoleta kay Ugay na muli ay tumanggi na magkomento.

Dagdag pa ni Marcoleta: “Ibig bang sabihin ngayon dahil nagpapatuloy pa sila ng pagdinig, hindi naniniwala sa inyo ang (Senate)?”

Muling na lamang sinabi ni Ugay na walang nakalagay sa audit report na mayroong overpricing.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?