ABANTE marc anthony ventura atio case sc
By

Marc Anthony Ventura, dumalo sa pagdinig ng Atio case

Sharing is caring!

Personal na pinanumpaan ng Aegis Juris fratman na si Marc Anthony Ventura ang kanyang affidavit sa harap ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ).

Ito ay sa muling pagbubukas ng preliminary investigation sa kaso ng pagpatay kay Horacio ‘Atio’ Castillo III, first year law student ng University of Sto. Tomas, na biktima ng hazing ng sinalihang Aegis Juris Fraternity.

Kasama ring dumalo sa pagdinig ang mga magulang ni Atio na sina Horacio Jr. at Carminia Castillo.

Personal ding humarap sa pagdinig si John Paul Solano na miyembro ng Aegis Juris at pangunahing suspek sa kaso ni Atio.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, inilahad ni Ventura ang mga pananakit na sinapit umano ni Atio sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris bilang bahagi ng kanyang initiation rites sa pagsali sa fraternity noong Setyembre 17, 2017.

Nag-ugat ang kaso sa inihaing reklamo ng Manila Police District at mga magulang ni Atio laban sa 37 miyembro ng Aegis Juris kabilang si UST Faculty of Civil Law Dean Atty. Nilo Divina.

Sa pagdinig kanina, binigyan naman ng panel of prosecutors, sa pangunguna ni Assistant State Prosecutor Susan Villanueva, ang kampo ng mga respondent ng sampung araw para magsumite ng komento sa salaysay ni Ventura.

Naghayag naman ng objection o pagtutol ang kampo ng mga respondent partikular na ang abogado ni Solano sa muling pagbubukas ng preliminary investigation gayong Nobyembre pa ng nakaraang taon ay idineklara nang submitted for resolution ang reklamo.

Hiniling pa ni Atty. Paterno Esmaquel, abogado ni Solano, na linawin ng panel kung si Ventura ay hindi na itinuturing na respondent kundi testigo na sa kaso.

Tugon naman ni Villanueva, ang nasabing isyu ay kanilang sasagutin sa ipalalabas nilang resolusyon.

Itinakda naman ng panel of prosecutors ang susunod na pagdinig sa Enero 22, 2018 para sa pagsusumite ng mga respondent ng sagot o tugon sa affidavit ni Ventura at para sa pagdaraos ng clarificatory hearing. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?