181

Aug 27, 2018 @ 19:11
By

Marathon hearing, target ang impeachment complaint sa 7 SC justices

Handa ang House Committee on Justice na araw-arawin ang pagdinig sa mga impeachment complaint laban sa pitong mahistrado ng Korte Suprema.

Sinabi ito ni committee chairman Salvador ‘Doy’ Leachon matapos itakda sa Setyembre 4 ang pagsisimula ng impeachment hearing.

Ayon kay Leachon, kailangan nilang paspasan ang proseso dahil bukod sa ito ang gusto ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, marami din silang ibang mga prayoridad na kailangang tutukan gaya ng pambansang budget.

“Kung kailangan, araw-araw gagawin. Hapon naman ang aming session so we can have the hearing in the morning until 3pm,” ani Leachon.

Isusulong din ng kongresista ang pag-consolidate ng pitong impeachment complaint dahil pare-pareho naman aniya ang issue, facts at grounds laban sa pitong mahistrado.

‘Jointly’ o sabay-sabay ding diringgin ng kumite ang pitong complaint para mapabilis ang proseso.

“My idea is.. since more or less similarly situated ang respondents, same facts, same issues, same relief prayed for, we can make the consolidation to expedite the process,” sabi ni Leachon.

Pero sa kabila nito, tiniyak ni Leachon na sisiguruhin nilang hindi masasakripisyo ang legalidad ng mga impeachment proceeding sa Kamara.

Muli ring ginarantiyahan ng mambabatas na mananatili silang independent at patas sa pagtalakay at pagresolba ng mga complaint.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?