34

Jun 22, 2022 @ 19:30
By

Maraming stock! Marcos admin ‘di na kailangan bumili ng bakuna – DOH

Hindi inirerekomenda ng Department of Health (DOH) sa Marcos administration na bumili ng mga bakuna laban sa COVID19.

Sinabi sa Laging Handa public briefing ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na maraming supply ng COVID vaccine ang bansa na aabot hanggang sa katapusan ng taon kaya hindi kailangang gumastos para sa panibagong supply.

Bukod dito, sinabi ng opisyal na may mga darating ding donasyon ng bakuna sa katapusan ng 2022 mula sa World Health Organization kaya aasahang maraming supply ang bansa laban sa COVID19.

“Ang aming recommendation, and the DOH also recommends, even our Vaccine Czar ay we have enough vaccines. At the rate we are going ay hanggang end of the year. And then, may mga darating by end of the year na COVAX donation. So, hindi po bibili ang gobyerno ng bagong mga vaccine, ” ani Cabotaje.

Saka lamang aniya bibili ang bagong administrasyon ng COVID vaccine sa sandaling buksan ang pagbakuna sa mga batang edad lima pababa dahil iba ang formulation ng COVID vaccine para sa mga paslit hanggang limang taong gulang.

Batay sa record ng National Vaccination Operations Center (NVOC), sinabi ni Cabotaje na mayroong dalawang milyong bakuna na mapapaso ngayong Hunyo.

Mayroon din aniyang Pfizer vaccines na nakatakdang mag-expire sa susunod na tatlong buwan pero na-extend ang bisa ng mga ito ng panibagong tatlong buwan kaya magagamit pa ito ng susunod na administrasyon.

“We have about 2 million vaccines expiring in June, kung titingnan natin kung nai-jab lahat ito. And then, iyong ating mga expiring ng July, August and September na Pfizer ay na-extend po ng tatlong buwan pa. So, may extension ng shelf life,” dagdag ni Cabotaje.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?