127

Sep 29, 2017 @ 20:51

Marami pang kaso, isasampal kay Faeldon

Kinumpirma ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na marami pang kaso ang kanilang inihahanda laban kay dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon.

Sinabi ni Lacson na hanggang sa ngayon ay patuloy ang pagdating ng mga dokumento sa kanilang tanggapan na may kinalaman sa mga iregularidad sa BOC sa ilalim ng pamumuno ni Faeldon.

“We rely on the documents, we rely on the testimonies of the witnesses na galing sa BOC,” ayon sa senador.

Noong Huwebes, inihain ni Lacson sa Ombudsman ang kasong economic sabotage laban kay Faeldon at ilan pang tauhan ng National Food Authority (NFA) dahil sa rice smuggling sa Cagayan de Oro City noong Marso.

Nag-ugat ang reklamo ni Lacson sa pagpasok ng P34.043 milyon na halaga ng bigas na walang import permit.

Sinabi ni Lacson na hindi lamang kapabayaan ang ginawa ni Faldon sa shipment kundi sadyang hinayaan niya itong makapasok sa bansa.

Kabilang anya sa ikinakasa pa nilang kaso kay Faeldon ang hiwalay pang rice smuggling sa Batangas gayundin ang may kinalaman sa P6.4 bilyon na halaga ng shabu shipment na nakalusot sa BOC noong Mayo.

“Marami pang darating na kaso sa kanya so lahat na paghahamon niya ito ang katugunan. Because I will not take it sitting down also,” pagtiyak pa ni Lacson. (Dang Samson Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?