18

Aug 5, 2021 @ 18:06
By

Mar-cial Return: Eumir gigil bumawi

Mismong si Pinoy boxer Eumir Marcial ay nanghihinayang sa dikitang split decision loss niya nitong Huwebes sa semifinals ng men’s middleweight division, sapagkat nais niya talagang magwagi ng ginto.

“Sobrang sakit siyempre kasi talagang pinangarap ko to e, simula pagkabata pa lang. Gusto ko na talaga makatuntong dito sa Olympics at makuha ‘yung gold,” saad ni Marcial sa panayam.

Bagamat nabigo, iuuwi pa rin ng 25-anyos na boksingero ang bronze medal – isang napakahirap na achievement.

Ngunit dahil halos abot-kamay na niya ang ginto, gigil si Marcial na bumawi sakaling makapasok sa 2024 Olympics.

“Kung pagbibigyan ako ng pagkakataon ulit na makapag-represent sa Olympics, iga-grab ko yung opportunity kasi hanggang ngayon, pangarap ko pa rin na makuha yung gold sa Olympics,” aniya.

Sa ngayon, positibo si Marcial sa kinahinatnan ng kampanya sa Tokyo.

“Masasabi ko binigay ko po yung lahat, yung best ko para makuha yung ginto sa Olympics. Kaya hindi ko pinagsisihan mga nagawa ko,” dagdag pa ni Marcial. “Siguro may pagkukulang, pero gagawin ko po lahat para magbigay pa ulit ng karangalan sa bansa natin.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?