22

Mapayapang plebisito ng BOL, pinatitiyak ni Duterte

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pulis, militar at iba pang law enforcement agencies na tiyakin ang maayos at mapayapang plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Enero 21, 2019 pati na ang nakatakdang midterm elections sa Mayo.

Ang direktiba ng Pangulo ay nakapaloob sa Memorandum Order Nos. 34 at 35 na nilagdaan noong Disyembre 28, 2018 na nagtatakda ng deputation ng law enforcers sa hiwalay na aktibidad.

Ang memorandum orders ay ngayon lamang inilabas ng Malacañang.

Inaatasan din ng Pangulo ang mga awtoridad na magkaroon ng koordinasyon at kooperasyon sa Commission on Elections para sa gagampanang responsibilidad.

Ang plebisito para sa BOL ay gagawin sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Isabela City, Basilan at Cotabato City.

Sa Enero 6 naman gagawin ang plebisito sa mga lugar ng Lanao del Norte, maliban sa Iligan City at anim na mga bayan sa North Cotabato.

Inaasahang 2.8 milyong mga botante ang makikilahok sa plebisito para sa ratipikasyon ng BOL na naglalayong matuldukan na ang kaguluhan sa Mindanao at magtatatag ng bagong political entity na papalit sa ARMM.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?