370

Apr 1, 2019 @ 18:59
By

Manyakis binugbog, iginapos sa poste ng mga tambay

Tadtad ng sugat at nagka-pasa pasa ang katawan ng 30-anyos na lalaki makaraang nagsisigaw at humingi ng saklolo ang babaeng estudyante na hinipuan nito sa isang bus terminal sa Mapagmahal St., kanto ng Barangay Kamias, EDSA sa Quezon City.

Ayon kay Kamuning Police Station (PS 10) commander P/Supt. Louise Benjie Tremor, ang suspek ay nakilala lamang sa pangalang Mark Anthony Casigal, 30-anyos.

Batay sa inisyal na ulat, dakong ala-1:00 ng tanghali (Abril 1), ay nagsisigaw umano ang di-pinangalanang 20-anyos na estudyanteng babae dahil binastos at hinipuan umano siya ng suspek sa maselang bahagi ng katawan.

Agad namang tumalima ang mga bystander sa bus terminal at pinagtulungang bugbugin ang manyakis na suspek at nang magtangka pang tumakas ay iginapos ito sa isang poste ng isang signage sa nasabing lugar.

Sinabi ng mga vendor sa lugar na matagal na umanong ginagawa ng suspek ang panghihipo sa mga babae na naglalakad o sasakay sa bus terminal subalit hindi na lamang itong pinapansin ng ilang mga nabibiktima.

“Para kasing may diperensiya sa pag-iisip…o laging bangag sa droga kaya sa halip na magsumbong ang mga hinihipuang babae, hindi na lamang nila pinapansin,” anang vendor na tumangging pangalanan.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Kamuning Police Station 10 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.

Nabatid na simula pa taong 2016, may umiiral nang ordinansa sa lungsod kontra sa “catcalling” at iba pang porma ng sexual harassment sa mga pampublikong lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?