387

Nov 22, 2021 @ 22:06
By

Manyakan sa ‘PBB’ itinanggi

Naglabas ng pahayag ang “Pinoy Big Brother” (PBB) kaugnay sa umano’y pangmamanyak sa pagitan ng mga housemate.

Sa Twitter, itinanggi ng “PBB” na may ganoong pangyayari.

“Ang harassment ay isang bagay na hindi palalampasin ni Kuya kailanman lalo na’t kung ito ay may patunay. Ngunit, mismong ang mga housemate na ang nagsabi na walang anuman na nagaganap na ganito sa loob ng bahay,” pahayag ng “PBB”.

“Nawa’y mas maging mapanuri at responsable ang lahat sa social media at huwag manghusga lalo na kung hindi sapat at tama ang konteksto at impormasyon,” patuloy niya.

Kinausap na raw ni Kuya ang mga housemate tungkol dito.

Naging trending ang hashtag na “Force Evict TJ” kamakailan dahil sa galit ng mga netizen kay TJ Valderrama, isa sa mga housemate ng PBB Kumunity Season 10.

Nagalit ang mga netizen sa pagiging “extra touchy” ni Valderrama sa kapwa housemate na si Shanaia Gomez.

Ilang video kasi ang kumalat sa Twitter kung saan makikita si TJ na nakahawak sa beywang ni Shanaia.

Mapapanood din na niyakap ni TJ sa likuran si Shanaia habang nagto-toothbrush ito.

Ayon sa mga netizen, kitang-kita ang pagkailang ni Shanaia sa tuwing hahawakan siya ni TJ.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?