1,487

By

Manok ni Inday, sure win na Speaker – Pampanga Rep. Gonzales

MANILA – Tanging si Davao City Mayor Sara Duterte umano ang makapagpapabago ng labanan para sa susunod na pinuno ng Kamara kung pipiliin ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makialam sa umiinit na labanan sa pagka-Speaker, ayon kay Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales.

Sa panayam ng ABS-CBN News Channel (ANC), sinabi ni Gonzales na matutuldukan lamang ang mga haka-haka kung sino ang magiging susunod na pinuno ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa oras na tuluyan ng magpasya si Mayor Sara kung sino ba talaga ang kanyang mamanukin bilang susunod na lider ng Kamara.

“Malaking bagay po iyan kung talagang sasabihin lang ni Ma’am Sara kung sino (eh) tapos na po yung boksing,” saad ni Gonzales.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na si Marinduqe Rep. Lord Allan Velasco ang paborito ng Presidential daughter para maging susunod ng pinuno ng Kamara subalit itinaas niya din ang kamay ni incoming Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez noong campaign caravan ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa Lungsod ng Tacloban noong Marso.

“Sinabi niya (Mayor Sara) na iyun na Lord Allan is the next speaker, Cong. Romualdez is the next speaker sinabi na niya yun. So yun ang naririnig natin sabi niya lahat ng sumusuporta sa administrasiyon ni Presidente Duterte these are all open to run for the speakership,” paliwanag ni Gonzales.

Kabilang si Gonzales sa tatlong pinagpipiliang manok ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP Laban) bilang susunod na Speaker ng Kamara, na kung saan kasama din sila Velasco at dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez.

Ayon kay Gonzales, handa siyang sumunod sa liderato ng PDP na pinamumunuan mismo ni Pangulong Duterte kung sino man sa kanilang tatlo nila Velasco at Alvarez ang pipiliin ng partido bilang panlaban sa iba pang nangangarap maging speaker kagaya nila incoming Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Leyte Congressman-elect Ferdinand Martin Romualdez.

“Kung sino ang napipisil po ng ating Pangulo we will respect the decision of the President because this is the part of the President,” saad ni Gonzales.

Hindi pa malinaw ngayon kung sino ang liyamado sa labanan sa pagka-Speaker ng Kamara dahil iginigiit ng bawat kampo na meron na silang sapat na bilang upang masungkit ang liderato ng Mababang Kapulungan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?