216

Nov 27, 2017 @ 15:22
By

Manila Times reporter, ‘di nagbigay ng impormasyon kay Gadon

Itinanggi ni Manila Times Journalist Jomar Canlas na siya ang source ni Atty. Larry Gadon tungkol sa umano’y binagong resolusyon ni Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Sa ikalawang pagdinig para sa determination ng probable cause sa impeachment complaint laban kay Sereno, pinabulaanan ni Canlas ang mga naunang pahayag ni Gadon na siya ang source nito sa isa sa mga reklamo laban sa punong mahistrado partikular sa usapin ng temporary restraining order (TRO) mess ng Senior Citizens Coalition.

Hindi rin aniya si Associate Justice Teresita de Castro ang kanyang source sa isinulat na storya.

“I hereby deny that I have intimated to Atty. Gadon that the source of facts in my article was Supreme Court Associate Justice Teresita J. Leonardo-de Castro,” ayon kay Canlas.

“I have never revealed to anyone my source or sources, who suffice it to say, are reliable and well-placed sources,” dagdag nito.

Kasabay nito ay nagmatigas si Canlas na sabihin kung sino ang kanyang sources at iginiit ang Republic Act (RA) 53 kung saan ini-exempt ang mga publisher, editors at reporters sa pagbulgar kung sino ang kanilang sources sa mga inilalabas na balita.

Kasunod ng pahayag ni Canlas, bigla namang hindi na maalala ni Gadon kung sino ang nakausap niya patungkol sa naturang desisyon.

Marami umano siyang nakausap at nakuhaan ng impormasyon kaya hindi niya rin matandaan kung si Canlas ang kanyang nakausap tungkol dito. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?