206

Oct 23, 2017 @ 11:48

Manila North Cemetery, naghahanda na sa Undas

Puspusan na ang preparasyon ng pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) para sa nalalapit na paggunita sa Undas.

Ayon kay Danielo Tan, director ng MNC, naaspalto na ang mga kalsada at ang mga lubak-lubak na daan sa loob ng sementeryo,  naipakumpuni na rin ang mga sirang gate na bakal at ngayong linggo ay puntira naman nila na magkabit ng mga dagdag na ilaw sa loob ng MNC.

Sinabi ni Tan, mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, 2017, bawal na ang  paglilibing sa  MNC at sa Greenpark, hindi na rin magsasagawa ng cremation hanggang sa matapos ang Nobyembre 2.

Sa hatinggabi ng Oktubre 30 hanggang hatinggabi ng Nobyembre 2, hindi na maaaring pumasok  sa loob ng  MNC ang lahat ng uri ng behikulo.

Nagtayo na rin ang MNC ng “paging system” at “lost and found”  malapit sa arko ng MNC upang magbigay-serbisyo sa mga nawawala lalo na ang mga bata upang madali silang matagpuan ng kanilang mga magulang.

Sa Nobyembre 1 at 2, bawal dalhin sa loob ng MNC ang mga sumusunod:  sound system, alak, kutsilyo, gamit pang-sugal, matutulis na bagay at iba pang gamit na nakakasakit.

Samantala, nitong nagdaang Sabado at Linggo ay dagsa na ang nagsisitungo sa MNC upang maglinis ng puntod ng kanilang mga mahal sa buhay kaya naman bultu-bultong basura na ang nahakot ng Task Force Clean-Up. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?