190

Nov 1, 2017 @ 10:21

Manila North Cemetery ‘di dinagsa ng tao dahil sa malakas na ulan

Dahil sa matinding buhos ng ulan, bumaba ang bilang ng mga dumadalaw sa Manila North Cemetery kumpara noong mga nakaraang taon.

Kung noong nagdaang taon ay nasa 300,000 hanggang 400,000 ang pumuntang tao sa Manila North Cemetery, mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng madaling – araw, kanina ay tinaya ng mga awtoridad na nasa 25,000 hanggang 35,000 lamang ang mga nagsidalaw sa puntod ng mga yumao nilang mahal sa buhay .

Ayon sa mga nagbabantay sa gate ng MNC, ang walang humpay na buhos ng malakas na ulan mula pa kagabi ang pinakadahilan nang pagbaba ng bilang ng mga tao.

Samantala, marami pa ring nakumpiskang  mga ipinagbabawal na ipasok sa loob ng sementeryo kagaya ng mga  matatalim na bagay tulad ng gunting,  kutsara  at tinidor, gayundin ang mga alak at iba pang nakakalasing na inumain.

May isang lalaki na inilagay sa freezer ang gin upang maging yelo at hindi mahalata na alak ngunit hindi pa rin ito nakalusot sa nagbabantay.

Dalawang  batang babae  na ang isa ay nagkakaedad ng   5   at  ang isa ay  17   ang nagtangkang magpasok ng solvent ngunit sila ay naharang. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?