106
cargo
May 22, 2018 @ 12:57
By

Manifesto sa mga kargamento, isumite ng maaga – BOC

Hindi pa man nakakarating sa Pilipinas ang mga angkat na kargamento ay inoobliga na ng Bureau of Customs (BOC) ang mga shipping line at airline company na magsumite ng advance cargo manifest.

Ayon sa BOC, layunin ng bagong patakaran na masawata ang problema ng smuggling at para matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang mga tinatawag na high-risk cargoes.

Sa ilalim ng Customs Memorandum Order na pirmado ni BOC Commissioner Isidro Lapeña, sinimulang ipatupad ang pagsusumite ng advance cargo manifest sa pamamagitan ng internet nito lamang May 7, 2018.

Lalamanin ng manipesto ang detalye ng kargamentong sakay ng barko o eroplano pati na ang mga consignor, consignee, bigat at dami ng kargamento at destinasyon ng produkto.

Bukod sa manipesto, kinakailangan ding isumite sa Advanced Manifest System ng BOC ang commercial invoice, packing list, stowage plan, container discharging list at load port survey report ng mga kargamento.

Babala ng BOC, ang mga mabibigo na magsumite ng advance manifest ay pagmumultahin ng mula isang daang libong piso hanggang tatlong daang libong piso.

Ang mga kargamento na hindi naman napasama sa manifesto ay isasailalim sa seizure and forfeiture proceedings.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?