80

Feb 5, 2021 @ 12:56
By

Mangingisdang Pinoy na ‘hinarang’ ng China, ‘pinatahimik’ ng militar

Imbes na kampihan, sinabi ng isang mangingisdang Pinoy na pinagbawalan pa siya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isapubliko ang kanyang mga reklamo sa panghaharang sa kanya ng China na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Pinadala rin daw ni Larry Hugo ang kanyang ebidensiya sa Chinese Embassy pero inisnab aniya siya nito.

Noong nakaraang linggo, nilahad ng mangingisda sa kanyang videos na hinarang siya ng dalawang barkong Chinese at hindi siya pinapapasok sa sandbar malapit sa Pag-Asa Island na bahagi ng teritoryo ng bansa.

Binubusalan aniya siya ng mismong militar ng ‘Pinas.

“Tiyak ko po, magagalit na naman ‘yan sila sa akin. Kasi binabawalan nila ako magsalita, ay hindi rin ako makapigil minasn. Nagagalit na rin ako minsan sa kanila, na may takot din na kahit papaano,” wika ni Mang Larry sa isang TV report.

Tinanggi ito ni Col. Stephen Penetrante ng AFP Western Command, at sinabing, “Ang atin pong [AFP] ay ginagalang po ‘yung karapatan na siya ay ano, ang bawat Pilipino ay magpahayag ng freedom of speech.”

Samantala, giniit ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na “fake news” ang salaysay ng mangingisda.

“There was no such thing,” sabi niya pa.

Nanindigan naman si Hugo sa kredibilidad ng kanyang videos at sinabing bulag ang Chinese Embassy sa katotohanan.

“Bulag sila sa mga picture na pinadala ko saka video. Pakiparating na lang doon sa nagsasabi niyan na bulag sila sa katotohanan. Papaaanong nagkaroon ng barko at mga ano diyan,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?