191

May 13, 2021 @ 21:44
By

Mangingisdang nadismaya sa jet ski joke ni Duterte sinagot ng Malacañang

Sinagot ng Malacañang ang mangingisdang si Carlo Montehermozo na nagsabing nadismaya sa jet ski joke ni Pangulong Rodrigo Duterte at nagsisi sa pagboto sa Presidente.

Tinanong ni Presidential Spokesman Harry Roque si Montehermozo kung nakakapangisda na ba ito sa Scarborough Shoal na dati ay hindi nila malapitan noong panahon ng Aquino administration.

Sinabi ni Roque na kung hindi nabago ang polisiya ng gobyerno sa ilalim ng Dutere administration ay malamang na hanggang ngayon ay hindi pa rin makapangisda ito sa lugar.

“Nakakapaghanapbuhay ka ba ngayon? Hindi ba totoo na noong panahon ng administrasyong Aquino kung saan tayo palaaway sa Tsina ay iyon ang panahong hindi kayo makapangisda sa Borough?,” ani Roque.

Ang mensahe aniya ng naging pahayag ng Pangulo na magje-jet ski at magtutusok ng watawat ng Pilipinas sa Spratlys ay itataguyod nito ang soberanya ng Pilipinas na nangyayari na ngayon.

Sinabi ni Roque na kung hindi dahil sa polisiya ng Pangulo ay malamang na nararanasan pa rin ngayon ang ginagawang pagtataboy sa kanila ng mga Tsino sa pamamagitan ng water cannon.

“Sino po ngayon ang nagbigay ng pagkakataon sa’yo Carlo para magkaroon ng pagkain sa hapag-kainan? Hindi ba po ang polisiya ng Presidente at hindi ang polisiya na awayin ang Tsina?,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?