247

Oct 24, 2017 @ 17:16

Mangingisda, tinangay ng alon sa Negros Occidental

Nasagip ang isang 61 taong gulang na mangingisda ng napadaang bangka sa karagatan ng Negros Occidental.

Kinilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nailigtas na biktima na si Rolando Warisal.

Batay umano sa ulat ni Edmund Ligan, officer in charge ng Rescue Sipalay City Disaster Risk Reduction Management Office, ang nasabing mangingisda na nasagip nitong Lunes ay dinala na sa City Health Office ng Sipalay, Negros Occidental para malapatan ng medical attention.

Si Warisal at ang kasama niya na nakilalang si Sonny Quennio ay naglayag mula sa Barangay Sta. Monica sa Puerto Princesa City sa Palawan para mangisda.

Pero dahil sa masungit na panahon at malakas na alon, sila ay nag-take shelter sa isang artificial fish sanctuary malapit sa Rasa Island sa Narra, Palawan.

Pero hinampas ng malalaking alon ang kanilang motorbanca dahilan para ito ay lumubog.

Tinangka pang ma-recover ni Quennio ang bangka pero siya ay aksidenteng nahulog sa dagat at inanod ng malakas na alon.

Dahil dito, nagkasa na ang PCG ng search and rescue operation para kay Quennio.

Kaugnay nito, inaabisuhan ang lahat ng mga barko at sasakyang pandagat na mapapadaan sa lugar na maging mapagmatyag sakaling mamataan nila ang nawawalang mangingisda. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?