43

By

Mangingisda, natagpuang patay sa kalsada

Sharing is caring!

Natagpuang patay ang isang lalaki at may nakalagay pang karatula na nagsasaad ng mga katagang ‘magnanakaw ako, ‘wag tularan’ sa bangkay nito sa gilid ng kalsada sa Navotas City kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Navotas City Police, alas-kuwatro ng madaling-araw natagpuan ng ilang mga residente sa lugar ang wala nang buhay na biktimang si Bonifacio Bohol, 27-anyos, binata, tricycle driver at isa ring mangingisda at residente ng Dalagang Bukid, Barangay Northbay Boulevard.

Naglalakad umano sa kahabaan ng Block 26, Area 1 ng nasabing lugar ang ilang concerned citizen upang bumili ng agahan nang makita ang bangkay ng biktima.

Ipinagbigay-alam nila ito sa pulisya kung saan nakitaan ng isang tama ng bala sa ulo ang biktima ngunit ayon sa mga residente sa lugar ay wala umano silang narinig na putok ng baril sa kanilang lugar.

At dahil wala ring nakitang basyo ng bala ang mga otoridad ay posibleng sa ibang lugar umano pinatay ito at inilagay lang ang bangkay sa lugar kung saan ito natagpuan.

Samantala, pinabulaanan naman ng mga kaanak ng biktima na magnanakaw ito.

Ayon sa nakababatang kapatid nito na si Rose Ann Baldomero, hindi umano nasangkot sa pagnanakaw ang kapatid niya at kahit sa iligal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot.

Naghahanapbuhay umano ito bilang mangingisda at tricycle driver nang sabay dahil sa kagustuhan nito ng isang marangal na trabaho na ipangtutustos sa kanyang pamilya.

Aminado naman si Rose Ann na mahilig umanong uminom ng alak ang kanyang kuya at kadalasang napapaaway kapag lasing na. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?