72

Oct 17, 2021 @ 16:57
By

Mangingisda kailangan ng tulong—Cayetano

Nanawagan si dating Speaker Alan Peter Cayetano sa gobyerno na bigyang prayoridad ang mga mangingisda upang maparami ang suplay ng pagkain at mapataas ang kanilang kita sa gitna ng limitasyong dulot ng pandemya.

Ayon kay Cayetano, isinusulong ng mga ahensya ng gobyerno gaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang iba’t ibang programa na makatutulong sa mga magsasaka pero hindi nangangahulugan na ito ang bibigyang prayoridad ng gobyernong nasyunal.

Maaari umanong tignan ng gobyerno ang mga magagandang ginagawa ng ibang bansa sa sektor ng pangingisda at gayahin ang mga maaaring gawin sa Pilipinas gaya ng pagtulong sa mga mangingisda na makapagparami ng mga high-value fish.

“Ngayon po nakita natin magandang pagkakitaan ng ating kababayan ang fisheries; mas mababa ang gagastusin po natin sa kalusugan kung panay isda at gulay,” sabi ni Cayetano.

Nanawagan din si Cayetano na bigyan ng puhunan ang mga mangingisda sa ilalim ng 2022 national budget para makapasok sila sa food processing business at makabili ng mga bagong gamit na makapagpaparami ng kanilang huli.

“Parati nating sinasabi (sa mangingisda), ‘Sana gumamit kayo ng mas modern na fishing, sana ‘wag nang illegal na fishing, sana mas maganda gamit n’yo, sana mag-food processing kayo’ pero wala naman silang puhunan eh, tapos ngayon pandemic pa,” punto ni Cayetano.

Sinabi ni Ernesto Arida, pangulo ng San Pablo, Laguna Palakpakin Lake– Fisheries and Aquatic Resources Management Council na nararanasan din nila ang hirap na ibenta ang kanilang huli dahil sa mga limitasyong ipinatutupad upang hindi kumalat ang COVID-19.

Nagpasalamat naman si Jimmy Lapuz, pangulo ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council ng Lumban, Laguna sa pagbigay ni Cayetano ng P10,000 tulong pinansyal sa 105 mangingisda sa iba’t ibang lugar sa ilalim ng Sampung Libong Pag-asa program. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?