334

Dec 8, 2017 @ 16:27
By

Mangingisda, agaw-buhay sa magnanakaw

Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang mangingisda matapos na pagsasaksakin ng isang kawatan na nahuli niya umanong nagnanakaw ng kanyang mga gamit sa mismong bangka nito sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO2 Edgar Valera, ng Navotas City Police, alas-9:45 ng gabi umano nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Bagong Kalsada Street, Barangay Tangos ng nasabing lungsod kung saan nakaparada ang bangka ng biktimang si Alfredo Alferez, 39-anyos, mangingisda at residente ng Abiola Street ng nasabi ring lugar.

Nakikipag-inuman noon ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa nasabing kalye nang mapansin niyang may gumagalaw na anino sa pinagparadahan niya ng bangka kaya’t agad niya itong pinuntahan.

Dito ay nakita niya ang suspek na si Rommel Manio, na residente rin sa nasabing lugar, na kinukuha ang mga gamit niya sa bangka. Sinita niya ito at babawiin sana ang mga gamit na kinuha ng kawatan ngunit naglabas ito ng patalim at bigla siyang pinagsasaksak sa kanyang tiyan at iba pang bahagi ng katawan.

Agad tumakas si Manio matapos manaksak habang naisugod naman sa Navotas City Hospital at agaw-buhay sa ngayon si Alferez. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?