204

Oct 20, 2017 @ 15:21

Manggagawa, kailangan sa Malaysia

Para sa mga Pilipinong gustong magtrabaho sa ibang bansa, naghahanap ngayon ang mga manufacturing company sa Malaysia ng mga dayuhang manggagawa.

Ayon sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuala Lumpur, nagpasya ang gobyerno ng Malaysia na luwagan ang panuntunan sa pagkuha ng mga dayuhang manggagawa para mapunuan ang problema ng mga kumpanya sa kanilang bansa na kapos sa manpower at makapagpalawak ng operasyon.

Anila, ang mga export-oriented manufacturer sa Malaysia ay pinayagan na kumuha ng 100 percent foreign workforce na pupuno sa kanilang mga low-level jobs.

Pero paglilinaw umano ni Malaysian Deputy Home Minister Datuk Nur Jazlan Mohamed, bibigyan ng prayoridad ang mga manufacturing company na nasa exporting business.

Gayunman, ang pagpapaluwag sa panuntunan ng pagkuha ng mga dayuhang manggagawa ay limitado lamang para sa mga kukuning production worker.

Ginawa umano ng Malaysia ang desisyon dahil sa panganib na kapag hindi napalawak ang operasyon ng kanilang mga manufacturing company ay mag-atrasan ang kanilang mga international customer. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?