202

Jan 30, 2019 @ 14:52
By

Manggagantso sa social media, arestado sa QC

Nabitag ang isang 24-anyos na lalaking kawatan sa ikinasang entrapment operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Anti-Cybercrime sa nabanggit na lungsod kahapon.

Kinilala ni QCPD Director, PCSupt. Joselito Esquivel Jr., ang suspek na si Jose Reyes Jr., alyas Taffy, residente ng No. 84 Mary St., Aurora, Cubao.

Naaresto si Reyes dakong alas-3:45 ng hapon (Enero 29) sa Twins Reloading Station sa K-10th Street, Brgy. West Kamias, ng nasabing lungsod.

Sa report, humingi ng tulong sa QCPD-ACT ang biktimang si Ruffa Cabonita, 24, matapos siyang makipagtransaksiyon at maloko ni Reyes sa Facebook.

Bumili siya sa suspek ng i-Phone noong Enero 12 kung saan nagpadala umano ito ng P10,000 sa BDO bank account ni Reyes bilang paunang bayad sa inorder niya pero hindi ipinadala ng suspek ang gadget.

Sa halip inutusan siya ng suspek na magkita na sila sa Cubao subalit hindi umano ito lumutang noong Enero 15 at nangako na ipapadala ang gadget kung babayaran ni Cabonita ang balanse na P1,600.

Ipinadala naman ng biktima sa kaparehong BDO account ang balanse ngunit hindi pa rin nito natanggap ang nasabing item at nalaman na lamang niya na iblinock na siya ng suspek sa FB account at hindi na rin niya ito ma-contact.

Gumamit ng ibang FB account si Cabonita at nagpanggap na buyer.

Dito ay sinabihan siya ng suspek, na nagbabalatkayo bilang ibang tao, na magdeposito ng pera bago maipadala ang gadget.

Agad na ipinaalam ng biktima sa QCPD-ACT ang kanilang transaksyon na nagsagawa ng entrapment laban sa suspek na nahuli habang wini-withdraw ang pera sa Twins Reloading Station sa Smart Padala.

Nabatid na nasa 13 na ang naging biktima ng suspek sa kaparehong modus, na kinabibilangan ng mga OFW mula Dubai at Thailand.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Article 315 (Swindling through Estafa) ng Revised Penal Code kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?