6

May 3, 2021 @ 18:53
By

Mandatory vaccination sa Hong Kong, hindi lang sana Pinoy – Palasyo

Sinuportahan ng Malacañang ang posisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi dapat mga Pilipino lang na nagtatrabaho sa Hong Kong ang obligahing magpaturok ng COVID vaccine at sa halip lahat ng mga dayuhang nasa nabanggit na bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bagama’t kinikilala ng Pilipinas ang prerogative ng Hong Kong, dapat hindi lamang mga Pilipino ang inobligang magpabakuna.

Marami aniyang dayuhang nagtatrabaho sa Hong Kong kaya dapat lahat na isali ang mga ito sa ipinatupad na patakaran ng Hong Kong government.

“We go with the statement of Secretary Locsin. Sana huwag i-single out ang ating OFWs. It must be done in a manner na lahat po eh sasakupin,” ani Roque.

Hindi lamang aniya sa Pilipinas umiiral ang equal protection clause ng Bill of Rights dahil maaari itong i-apply sa Hong Kong kaya dapat ay hindi lamang sa mga Pilipino ipairal ang polisiya ng Hong Kong government.

Naunang inihayag ni DFA Secretary Teodoro Locsin na dapat lahat ng dayuhang nasa Hong Kong ay atasang magpabakuna sa halip na ipatupad lamang ito sa mga manggagawang Pinoy.

Hindi umano sagot ng Hong Kong government ang COVID vaccine ng mga domestic worker kaya babalikatin umano ng mga OFW ang kanilang bakuna.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?