47
drug-test-res
By

Mandatory drug test sa elected officials, aprub sa mga senador

Sharing is caring!

Apat na senador ang agad sumang-ayon sa mungkahi na isailalim sa mandatory drug test ang lahat ng mga halal na opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Senador Antonio Trillanes IV, dapat mauna na rito si Pangulong Rodrigo Duterte dahil parang lagi umanong nakakadroga.

“OK ako diyan at dapat unahin si Duterte mismo kasi para siyang sabog sa droga kung magsalita at mag-isip,” sabi ni Trillanes sa text message.

Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian na silang mga opisyal ng gobyerno ang talagang dapat mauna sa drug test para magsilbing halimbawa sa taumbayan.

Dapat umano itong isagawa mula sa Pangulo hanggang sa mga kagawad ng barangay.

Kinatigan din ito ni Senador Joel Villanueva na nagbigay-diin na dapat ipakita nilang mga elected official na sila ay mapagkakatiwalaan.

Iginiit pang gawing mas mabigat ang parusa sa elected officials na gagamit ng droga o masasangkot sa bentahan nito.

Agad-agad din ang suporta rito ni Senador Chiz Escudero.

Ayon naman kay Senate President Tito Sotto, dati na sila ni Senador Gregorio Honasan na naggigiit ng drug test sa mga public official at sa katunayan, kada tatakbo sila sa eleksyon, sila ang nagkukusang magpasailalim dito.

Pero hindi aniya ito maaaring ipilit ang drug test sa kanilang mga politiko dahil idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act na nagpapa-drug test sa mga kandidato.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?