59

Jun 21, 2019 @ 17:29
By

Mandatory coverage ng mga OFW, tiniyak ng SSS

Ipinahayag ng Social Security System (SSS) na tungkulin ng ahensya na ipatupad ang mga probisyon na itinakda sa ilalim ng Batas Republika 11199 o ang Social Security Act of 2018 at naninindigan nakabatay ito sa desisyon ng mga mambabatas na makapagbigay ng makabuluhang social protection sa lahat ng Pilipino dito at sa ibayong bansa.

Ang batas ay produkto ng malalim at mahabang diskusyon sa pagitan ng SSS, mga stakeholder, at mga mambabatas mula sa Kongreso.

Ayon sa pamunuan ng SSS, nagsagawa sila ng pampublikong konsultasyong bago at matapos maipasa ang Social Security Act of 2018 salungat sa mga naunang pahayag ng ibang mga sektor particular na ang komunidad ng Overseas Filipino Workers (OFW) na hindi sila kinonsulta sa pagbalangkas ng batas.

Ginanap ang ang pagdinig sa pampublikong konsultasyong para sa SS Act of 2018 noong Marso 1 at 4 sa Cebu at Manila habang nagkaroon ng hiwalay na pampublikong konsultasyong noong Abril 29 patungkol sa mandatory coverage ng mga OFW sa ilalim ng SSS Act of 2018.

Dinaluhan ang mga pagdinig na ito ng mga kinatawan mula sa Filipino Association of Mariners’ Employment Inc., Philippine Association of Service Exporters Inc., Joint Manning Group, Associated Marine Officer’s and Seamen’s Union of the Philippines, at Coalition of Licensed Agencies for Domestic and Service Workers Inc.

Sinabi rin ng ahensya na dapat tignan ang SSS bilang isang paraan ng pag-iipon at hindi karagdagang gastusin. Mayroong pitong benepisyo ang SSS na maaaring makuha ng mga OFWs tulad ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing, pagkamatay, at pagkawala ng trabaho.

Batay sa datos ng SSS, umabot lamang sa 325,601 ang bilang ng mga OFW na nakapagbayad lamang ng isang buwang kontribusyon. Ito ay higit na mababa kumpara sa 2.3 milyong OFWs na naitala ng Philippine Statistics Authority sa pinakabagong istatistika ng Philippine Statistics Office mula Abril hanggang Setyembre 2018.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?