290

Dec 29, 2017 @ 14:41

Mandaluyong Police chief, 10 pang pulis sa ‘mistaken identity’ shooting, sinibak

Inutos na ni NCRPO Director Oscar Albayalde ang administrative relief sa hepe ng Mandaluyong Police na si PSSupt. Moises Villaceran at 10 pang tauhan ng Mandaluyong PNP na sangkot sa ‘mistaken identity’ shooting na naganap sa nasabing lungsod kagabi.

Ito ay para bigyang-daan ang isang patas na imbestigasyon sa insidente na isasagawa ng PNP-Internal Affairs Service.

Sa kanyang pagbisita sa Mandaluyong PNP ngayong umaga upang kausapin ang mga pulis na sangkot sa madugong insidente, siniguro ni Albayalde ang isang mabilis at impartial na imbestigasyon ng kaso.

Ipinaabot din ni Albayalde ang mataimtim na pakikidalamhati ng PNP sa mga kaanak at mahal sa buhay ng mga nasawi sa misencounter.

Ayon kay Albayalde, hindi lusot sa insidenteng nangyari bandang alas-10:30 kagabi sa Mandaluyong kung saan dalawa ang patay at dalawa pa ang sugatan nang pagbabarilin ng mga pulis-Mandaluyong ang isang Mitsubishi Adventure na patungo sa ospital para dalhin sana ang biktima ng unang shooting incident.

Napagkamalan ng mga rumespondeng pulis ang sasakyan na get-away vehicle ng mga sangkot sa unang shooting incident base sa impormasyon mula sa mga barangay tanod.

Iniulat ni Albayalde na kasalukuyang nasa restrictive custody ang 10 pulis na sangkot na kinilalang sina Police Sr. Insp. Maria Christina Vasquez, PO1 Alfred Uribe, PO2 Nel Lemuel Songalia, PO1 Jave Arellano, PO1 Tito Danao, PO1 Mark Castillo, PO1 Julius Libuen, PO1 Bryan Nicolas, PO1 Albert Buwag at PO1 Kim Ruford Tibunsay. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?