80

By

Mamasapano incident iimbestigahan muli ng Senado

Plano ni Senador Richard Gordon na paimbestigahan muli ang Mamasapano incident kasunod ng pagbasura ng kaso laban sa dating mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng kanilang papel sa nasabing operasyon.

Ayon kay Gordon, dismayado siya sa pagbasura ng usurpation of authority at graft charges laban kina dating PNP chief Alan Purisima at dating Special Action Force (SAF) head Getulio Napeñas.

“Mamasapano is one of the great injustices of our time. We sent people who are simple folks who became soldiers and policemen to their deaths,” pahayag ni Gordon sa panayam kahapon ng mga reporter.

“Ang dami-daming namatay. Forty-four ‘yung namatay, pagkatapos walang responsible? Dereliction of duty ‘yan,” dagdag pa nito.

Bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Gordon na kanyang muling pabubuksan ang imbestigasyon ng Mamasapano incident.

“I’ve always been trying to open up Mamasapano (investigation). To my mind, mukhang nagkulang ang prosecution na naman,” ani Gordon.

“Pwedeng i-reopen sa tingin ko even here in Congress. Kausapin ko muna si Senator (Grace) Poe…I will talk to the Blue Ribbon. I’ll talk to the Committee on Justice, most importantly I will talk to the other senators,” dagdag pa nito.

Si Poe, bilang chair ng Senate public order committee noon, ang nanguna sa pag-imbestiga sa Oplan Exodus kung saa 44 miyembro ng SAF ang namatay sa ambush sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.

Sa Mamasapano report ng Senado, nakasaad doon na nilabag ni Pursima ang preventive suspension na inisyu ng Ombudsman nang sumali ito sa pagpaplano at execution ng Oplan Exodus.

Si Napeñas naman ang namuno sa SAF sa Mamasapano operation kung saan napatay ang Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir alias Marwan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?