33

By

Mamahaling service vehicles sa gobyerno, bawal na – Duterte

Ipinagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno ang pagbili ng mga mamahaling sasakyan bilang service vehicles ng mga taga-gobyerno.

Nakapaloob ito sa Administrative Order No. 14 na pinirmahan ng Pangulo noong Disyembre 10, 2018 na nagtatakda ng centralized procurement system para makatipid sa mga gastos ng gobyerno.

Inaatasan ng Presidente ang lahat ng ahensiya na piliin ang pinaka-episyente, mura, matipid sa langis at environment-friendly na mga sasakyan.

Hindi na papayagan ang mga luxury vehicle gaya ng Asian Utility Vehicles (AUVs), cross-over utility vehicles (CUVs) at multi-purpose vehicles (MPVs) na gumagamit ng gasolina at krudong ang makina ay lampas sa four cylinders.

Kasama rin sa ipinagbabawal ng Pangulo ang pagbili ng Sports Utility Vehicles (SUVs) na lampas sa 27000cc ang gamit na gasolina.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang direktiba na kailangang maging makatuwiran ang pagbili ng mga sasakyang pang-gobyerno at hindi basta-basta nagsasayang ng pondo ng bayan.

“There is a need to further streamline and rationalize the approval for requests to require government motor vehicles, in keeping with the principles of economiy, efficiency and check and balances,” ang bahagi ng memo ng Pangulo.

Gayunman, hindi kasali sa mga ipinagbabawal ang mga sasakyang gamit ng Presidente at Bise Presidente, mga donasyong sasakyan sa gobyerno at mga sasakyang ginagamit para sa mga bumibisitang foreign dignitaries, at lahat ng mga sasakyang nabili na mula sa pondo ng kasalukuyang official development assistance programs.

Sakop ng administrative order ang lahat ng mga pangunahing ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng ehekutibo pati na rin sa mga government-owned or controlled corporations, government financial institutions, state universities and colleges at local government units.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?