126

Oct 26, 2020 @ 17:01
By

Malupit sa kasambahay: PH ambassador sa Brazil pinauwi ni Locsin

Pinabalik sa Pilipinas ang ambassador nito sa Brazil matapos makunan ng video habang minamaltrato ang kasambahay niyang kapwa Pilipino.

“The Philippine ambassador to Brazil has been recalled effective immediately to explain the maltreatment of her service staff,” tweet ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., nitong Lunes.

Kaugnay iyon ng report ng Brazilian news channel na GloboNews noong Linggo kung saan nakunan ng security camera at ilang empleyado ang pananakit ni Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro sa kasambahay sa loob ng kanyang tinitirahan.

Ayon sa report, isang 51-anyos na Pilipina ang biktima.

Sa mga video nakita si Mauro habang sinasampal, pinipingot at pinapalo ng payong ang kasambahay.

Batay sa profile ni Mauro sa website ng Philippine Embassy in Brazil, nagsimula siyang manungkulan sa Department of Foreign Affairs noong 1995.

Kabilang sa naging katungkulan niya ay pagiging acting director sa Office of Middle East and African Affairs noong 1996 at second secretary at consul sa Embassy of the Philippines sa Tel Aviv, Israel noong 2001-2003.

Nagsimula ang trabaho niya sa Brazil noong 2018 kung saan nasa hurisdiksyon din niya ang Colombia, Guyana, Suriname at Venezuela.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?