109

Dec 21, 2017 @ 16:51
By

Maluhong Christmas party ng PCSO binira ni Gatchalian

Mariing tinuligsa ni Senador Sherwin Gatchalian ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa paggastos ng milyon-milyong piso sa kanilang Christmas party.

Ayon sa senador, ipinakita rito ng management ng PCSO na sila ay manhid at walang pakialam sa pangangailangan ng taumbayan.

Isinumbat nito na pumipila ang mahihirap sa PCSO para sa karampot na tulong at naaatim naman pala aniya ng PCSO management na magtapon ng P6 milyon sa Chrismas party.

“The PCSO management just demonstrated the height of insensitivity and disconnect to the needs of our people. Daming taong pumipila sa office nila para humingi ng tulong pero tinapon lang ang pera nila sa Christmas party,” galit na pahayag ni Gatchalian.

Tanong ni Gatchalian sa pangasiwaan ng PCSO kung nasaan ang kanilang konsensya dahil marami nang mahihirap ang puwedeng natulungan ng P6 milyon.

Una rito, tinuligsa ni PCSO Board Member Sandra Cam ang napag-alaman niyang paggastos ng PCSO ng P10 milyon sa party kaya hindi niya ito dinaluhan.

Itinanggi ni PCSO General Manager Alexander Balutan na P10 milyon ang kanilang ginastos at ang inamin ay P6 milyon.

Nakatipid pa umano ang PCSO dahil P14 milyon ang inaprubahan ng Department of Budget and Management na puwede nilang gamitin sa Christmas party.

“PCSO should be reminded to practice austerity and prudence for they are always accountable for the budget being entrusted to them by the people. Government employees should lead a good example in manifesting simplicity and prudence in all their actions,” pahayag ni Gatchalian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?